Posted by: Mer Pints | October 2, 2011

Sunod-sunod na Bagyo at Pagbaha, Ito ba’y Sumpa?

Suno -sunod na ang mga bagyo at pagbaha na ating dinaranas at libo-libo nang mga kababayan natin ang naapektohan, hindi ba kayo nagtataka nagagalit na sa atin ang inang kalikasan. Ito ba ay sumpa sa mga ginagawa nating pagsira at pagdudumi sa atin kapaligiran?

Resulta lang ito ng climate change, iyan ang paliwanag ko kay lola Matilde pero matigas pa rin ang kanyang paniniwala na ang lahat nang mga nararanasan natin sakuna ay buwelta sa atin ng inang kalikasan.

At bakit nga ba tayo ay binabaha ngayon, di ba sanhi ito ng walang pakundangang pagputol ng ating mga punong kahoy sa kagubatan at kabundokan? Alam na ng lahat ang maaring sakunang idudulot ng pagkalbo natin ng ating mga kagubatan ngunit tuloy pa rin ang illegal logging. Mga mamayan mismo ang umaalma kapag hinihigpitan ang mga regulasyon tungkol at pagpapatupad ng mga batas laban sa pagputol at pagtumba ng mga punong kahoy legal man o hindi. Para sa iba mahalaga para sa kanila ang timber industry dahil dito sila nabubuhay at naghahanap buhay. Ang kuwestiyon ay ilan kaya sa mga taong pasaway na ito ang ngayon ay nakakaranasan na ng pagbaha at pagkasira ng kanilang mga ari=arian dahil lamang sa pagsira ng ating mga kagubatan?n

Mga plastic na basura at iba pang mga lumang kagamitan na basta itinatapon na lang sa mga ilog at karagatan, di ba bumabalik din sila para tayo ay usigin sa ating kapabayaan at kawalan ng disiplina?

Sige umapaw pa ang tubig mula sa kabundokan, mga ilog at sapang barado dahil sa mga tambak na basura at nang maranasan natin ang bunga ng ating paglapastangan sa ating kapaligiran at inang kalikasan. Ilang buhay pa kaya ang mawawala upang tayo’y matauhan. Sige magtayo pa tayo ng mga paktorya at magpaandar ng mga sasakyan na nagbubuga ng usok na nakakalason sa kapaligiran at sanhi ng global warming. Di ba sa mga kimikal na itinatapon natin sa ating mga ilog at karagatan ay unti-unting sinisira ang ecological balance at dahilan din ang pagkawala ng mga lamang ilog at dagat na sana’y saganang nakakain natin? Sige, isarin pa natin ang ating kapaligiran nang tayong lahat ay makaranas nang matinding tag-gutom sa bandang huli.

Maluha-luha si lola Matilde. Maganda man ang tinitirahan niyang bahay sa isang magarang subdivision ngunit batid niya na itong lugar na ito ay dating kakahuyan at kabundokan na inarao at pinatag upang tayuan ng mga bahay. Ayan nag-lanslide tuloy at ilang buhay na naman ang nasayang.

Ganid at kabuktotan ng mga tao ang kanyang sinisisi. Hindi rin nakaligtas sa kanya ang paglubo ng papulasyon. At lalong sinisisi niya ang mga pulitiko, opisyal ng gobiyerno, at mga negosyante at kapitalistang nagsabuwatan para magmina, magputol ng mga kahoy, at magtayo ng mga subidvision at resort sa mga lugar na dapat lamang ay taniman ng mga palay at mga kagubatan na sana ay nagtatanggol sa atin sa pagbaha at mainit na klima at temperatora.

Ito’y sumpa, sumpa ang bulong sa akin ni lola Matilde. Kung tutuosin may laman ang kanyang mga sinasabi. Malapit nang mag-nubenta anyos si lola at nabibilag na ang kanyang mga araw. Ngunit taglay pa rin niya ang alaala ng maganda nating kapaligiran, malinis na ilog at karagatan, at kasaganahan sa mga isda at iba pang lamang dagat na siyang kinakain noon ng ating mga ninuno at mga pilipinong nauna pa sa atin.

Of course ipagpapalit mo pa ba ang modernong kabihasnan na ating nakasanayan na ngayon? Hindi nga marahil; ngunit ang mga dumi na ating itinatapon sa kapaligiran upang tayo ay magkaroon ng computer, kotse, television at mga iba pang gamit ay hindi ba sanhi ito ng mga pagbaha at polusyon na siya ring nagpapahirap ngayon?

 


Responses

  1. Habang sinusulat ako ito ay nakakaranas kami ng malakas na hangin at pag-ulan. Hehehe

  2. Problema talaga ang mga nagkalat na basura sa paligid. Kung bakit masyadong matigas ang ulo ng mga Pinoy. Kaya ako ay naniniwala na ang mga delubyong dumarating sa atin ay paniningil na nga ng kalikasan sa kasakiman, kapalaluan, at katigasan ng ulo ng mga ibang kababayan natin diyan di ko nilalahat. Ano pa ang magagawa natin kundi magtiis, damaydamay na lang iyan.

  3. sumpa na nga ito ng kalikasang sinisira ng pagiging ganid ng ilan: walang habas na pamumutol ng kahoy sa gubat na ang bawat punong pinutol ay hindi pinapalitan ng binhi; walang pakundangang pagmiminang nagpapaguho ng lupa at pagkakalat ng nakakalalasong kemikal; walang pakundangang pagtatapon ng basura sa mga estero at kanal; pagtatambak sa mga daluyan ng tubig upang bigyang daan ang pagtatayo ng mga subdibisyon at higit sa lahat ay ang pagkabutas sa ozone layer bunga ng pagbubuga ng usok mula sa mga pabrika at mga sasakyan.

    ang ating mga lider ay walang tigil sa pananawagan upang tulong tulong daw na mapangalagaan ang paligid at pagsunod sa mga sinasabi nilang hakbang upang maiwasan ang mga sakunang dulot ng kalamidad. subalit haggang doon lamang ang kanilang ginagawa sapagkat kapag napasakamay na nila ang pondong laan para sa mga naturang hakbangin ay para na silang tuod na walang pakialam sa kalagayan ng mamamayan. kikilos lamang at maririnig muli ang kanilang boses kapag naririyan na naman ang mga kalunoslunos balitang naglalaman ng pagkasira ng mga ariarian, kabuhayan at ibinuwis na buhay.

  4. May kasabihan po tito na basurang itinapon mo ay babalik din sa iyo. Kitang-kita po na may katotohanan ang kasabihang ito.

    Nabanggit na ito ng aking nanay noong araw, napanood ko na rin sa television ang patalastas na ito. Ngunit hanggang ngayon ay tila bang
    di pa rin nagbago ang walang pakundangang pagtatapon ng basura sa mga ilog, sapa, dagat, at pati na rin sa ating mga kalsada.

    Kaya umulan lang ng kaunti ay baha kaagad.

  5. Nasaan na po iyong daang matuwid na nais ng ating Pangulong Noynoy Aquino na ating tahakin?

    Huwag na pong hintayin pa ang delubyo na sinasabi ni Uripon bago pa tayo magbago.

    Pero sabi nga ni Segundina, kay dali daw makalimot ang iba sa atin. Habang nilalagnat, panay ang linis sa kapaligiran. Kapag nawala na ang lagnat balik sa dating sistema na dugyot.

    Walang pinagiba ito sa isang lalaking nangakong mamahalin ka ngunit sa bandang huli ay nakalimotan na niya ang kanyang pangako at ayon tuloy na sa pagpapari, di ba Seg?

    Hehe, may nangurot sa aking tagiliran, may dalagang tinamaan, RAYYYYYKO POOO.

  6. batuhan ng sisi kanya kanyang turuan
    kanya kanyang iwas sa mga pananagutan
    walang gustong umako sa mga kapalpakan
    gayong maliwanag hindi kayang panindigan
    pangakong paglilingkod sa mga mamamayan!

    haaaayyyyyy! ano ba ‘yan?!

  7. tanda ko pa noong bata pa ako nu’ng unang makaranas ng baha dulot ng bagyo sa pagsulong ng tubig sa laguna de bay. mataas pa ang bahay namin, lusutan ang tao sa silong. hanggang tuhod ang tubig, kitang kita ang naglalanguyang mga isda. hindi pa ganitong napakalakas ang hangin, malakas lamang ang ulan at kahit yari lamang sa kawayan at pawid ang mga tahanan ay walang nagigiba, walang nagsisilikas sapagkat hindi nagtatagal at humuhupa agad ang tubig. wala noong ragasa ng tubig mula sa mga kabundukan katulad ngayon. bumaha man, walang basurang lumulutang. walang plastic sapagkat ang gamit ng mga tao noon ay supot na papel. saan mang tindahan (wala pang mga supermarket at malls), sa panaderya, sa palengke ang pambalot ay supot buhat sa lumang diyaryo at ang sisidlan ay bayong gawa sa pandan o buli. walang bumabara sa mga sapa, ilog at kanal. walang nakakatakot na sakit sa balat mula sa pagkababad sa tubig baha kundi alipunga.

    ngayong kasalukuyang panahon? wala akong masasabi kundi: inaaaannnggg!

  8. Ako naman ang karanasan ko sa bagyo ay iyong kay bagyo Yoling many years ago. Biglang tumigil sandali ang paghangin kaya daglidagli akong umakyat sa bubungan para pakuan iyong natatanggal na yero. Hindi ba ako nakakaabot sa gitna ng bubungan ay biglang humampas muli ng napakalakas na hangin. Mabuti na lang at nakababa ako kaagad. Kung hindi ay baka nahulog na ako o kaya’y lumipad na walang pakpak.

    Hahahaha

  9. Kuya Mags and Kaps

    Noong araw ay usong-uso po ang paper bag, may collection po pa ako noon ng ibat-ibang klase ng paper bags. Pero sa pagdaraan ng mga araw nawili tayo sa mga plastic bags. Ayus naman ang plastic bags huwag lang itatapon kung saan-saan at saka ire-recycle.

    Pero kung lahat nang mga supermarket ngayon ay ibabalik muli ang paper bags medyo may kahirapan na dahil kahoy din ang pinagkukunan ng mga papel.

    Ay, may green bags na pala ang mga pangunahing supermarts natin at doble pa ang bonus points mo kapag may dala kang green bags tuwing maggo-grocery kayo.

  10. kaps, mer, seg, sa totoo lang ako’y nag-aalala sa pamilya ng aking kapatid sa bulacan. sila’y nakatira sa Cupang, Plaridel, Bulacan. hindi ba kasamang lumubog ang lugar na ‘yun?

  11. Sana po tito walang masamang nangyari sa kanila. Anyway medyo bumababana ang tubig baha at bukas makalawa ay tuyong lupa na po ang tinutuntongan ng mga kababayan nating nasalanta.

    Pero sadyang napakarami talagang pangangailangan at napakarami din po ng mga nasalanta. Sa kulang ay malaki po ang kakulangan ng mga tulong na naipapadala sa mga kababayan natin dahil hindi lang pangisang araw ang mga pagkain na kailangan nila kundi para sa loob ng isang buwan.pa siguro.

    Mabuti na lang at hindi nagsasawang magbigay tulong ang mga kababayan nating may mabubuting kalooban.

    Nawa’y hindi na po maulit pa ang trahedyang naranasan ng ating mga kababayan na kung saan ay ni hindi nila mailibing ang kanilang mga kamag-anak na namatay sa kasagsagan ng bagyo dahil lubog pa rin sa tubig ang mga sementeryo.


Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

Categories

%d bloggers like this: